May nagbabantang sigwa
Natapos din ang araw ng pagtangis,
Pasakit at dalita
Baya'y nalugmok sa hinagpis
Lumuluha ang sanlibong ina
Kasabay ng mga bombang walang mintis
Nakahandusay mga bangkay, bata't matanda
Patuloy sa panggagahasa't pagmamalabis
Lumaganap ang lagim at dilim
Mga lansanga'y bumabaha ng dugo
Ang hangi'y nagluluksa't naninimdim
Tanging tanglaw itong mumunting sulo
Ang baya'y minasaker ng mga ganid at sakim
Kay ligalig ng samyo ng sariwang dugo
Ang ginawa nila'y karimarimarim
Paroo't-parito sanlibong nagliliyab na punglo
Ang bayang dati'y tahimik at dalisay
Mga batang naglalaro tanging nag-iingay
Ngayo'y nanahimik
Nagkalat ang mga patay
Natapos din ang araw ng lumbay at siphayo
Tumahan na, tumahan ka na
Mga mata'y labis nang namumugto
Pasikat na ang araw, ang bagong pagsuyo
No comments:
Post a Comment