Hanggang kailan ang iyong kamangmangan?
Isa kang busabos na pilit na nagsusumiksik
sa tahanang dati ng masikip.
Kasama ang mga lumpen, kamangmangan na ang iyong kamamatayan.
Mga lumpen, puta, walang trabaho at pinag-aralan
ganyan ba ang lipunang sa mga bata nais mong kanilang kalakhan?
Mainit, masikip, marumi, magulo at maingay
wala kang sintido-kumon, diyan ka nababagay!
Kung inaakala mong ika'y madunong
p'wes para sa'kin isa kang gung-gong.
Wala ka ng inisip kundi ang iyong kayabangan
hindi na baleng malayo ka 'wag ka lang mapagtawanan.
Sa kanila ika'y nagmamalaki
nagpakalayo nang sila sa iyo wala ng paki.
At ngayon narito kang parang daga
dito sa nanlilimahid na "tahanan" ika'y tuwang-tuwa.
Ako'y nagumon tulad mo'y nabusabos
hindi ko ito ninais ngunit wala akong magagawa.
Sa iyong utos ako'y lubos na tumalima.
Ang iyong kabalintunaan ang dahilan kaya tayo nagmukhang kawawa!
Nagniningas na baga ang iyong iniiwasan
ngunit nag-aalab na sigwa ang iyong patutunguhan.
Marapat lamang na wakasan na ang kahangalang ito
ang pagbabago ay magsisimula sa pagkilos ko.
Ayoko nang manahin ang kahirapan mo
akin ng lalansagin ang mala-pyudal na monopolyo.
Monopolyo ng iyong kahibangan at maling desisyon.
Paiiralin ko'ng desisyon sa tamang katwiran ay naaayon.
Ako'y kikilos magpupunyagi.
Magpupunyagi sa kasarinlang minimithi.
Ako'y kikilos 'di pa tapos ang laban.
Kikilos para sa PAGBABAGO ng buong tapang!
No comments:
Post a Comment